top of page
Writer's pictureMichael Agang

Paghabi sa Pagkakaisa.




Likas sa mga sinulid na siyang pinapanghabi ay may iba’t ibang mga kulay, haba, tekstura. Ang pagkakaiba ng mga ito ay ang siyang bumubuo sa isang napakagandang likhang sining na paghahabi. Kung ating paghahambingin ang bayan at tela, ang mga ito ay may isang patutunguhan: Maganda ito kapag napag buklod ang mga pagkakaiba-iba ng mga sinulid.


Kaakit-akit man ang layon, pero sino ang siyang hahabi ng iba’t ibang sinulid? Bakas sa kultura ng mga Pilipino ang pagkakaiba-iba. Ang mga wika, panitikan, kasuotan, pagdiriwang, paniniwala, o kaugalian. At ang bansa na may ganitong kalagayan, ay maaring dumanas ng kahirapan sa pagtamo ng pagkakaisa. Ngunit, sa paglipas ng panahon, ang naghabi ng makukulay na sinulid ay itinakda. Nagbunga ang katapangan at pagmamahal, isinilang ang bayan na nagtakda ng pagkakaisa kaakibat ng wika para sa buong bansa.


Taong 1935, sa ilalim ng pamumuno ni Manuel Luis M. Quezon ng Commonwealth Government, ang National Assembly ang siyang nag silbing lehislatura sa panahon na ito, matagumpay nilang naipasa ang Commonwealth Act 184 - ang pagbuo ng Surian ng Wikang Pambansa, layunin nitong pag aralan ang iba’t ibang wika sa Pilipinas upang makapagtalaga ng isang wikang Pambansa, mula sa umiiral na katutubong wika. Matapos ang maingat at masusing pag sasaliksikm sa pamumuno ni Jaime C. de Veyra at mga kinatawan ng Surian ng Wikang Pambansa, nalaman nilang ang wikang 'Tagalog' ang pinakamalapit na mapili bilang Wikang Pambansa dahil ginagamit ito ng karamihan sa bansa, maging sa mga pahayagan, libro, at kapag sila ay nagsusulat.


Ika-30 ng Disyembre, nang inihayag ang isang mahalagang bagay sa radyo. Aniya, ang wikang Tagalog ang gagamitin sa paglikha ng isang Wikang Pambansa. Ang desisyong ito ay ginawa para alalahanin at parangalan si Dr. Jose Rizal, na namatay sa araw ding iyon. Inaprubahan ni Pangulong Quezon ang desisyong ito, at ito ay isinulat sa kautusan na- Executive Order No. 134. Para sa pagkilala kay Quezon bilang Ama ng Wikang Pambansa, buwan ng Setyembre taong 1955 inilabas ang Proclamation 186 sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Magsaysay ang petsa kung kailan natin ipinagdiriwang ang 'Linggo ng Wika' para makiisa rin ang mga estudyante.


Ngayon, ipinagdiriwang natin ito sa panahon ng bakasyon sa paaralan sa Agosto. At lagi itong nagtatapos sa kaarawan ni Pangulong Quezon. Upang ipagdiwang ang 100 taon ng pagiging malaya ng Pilipinas, gumawa ng espesyal na anunsyo si Pangulong Fidel V. Ramos. Aniya, ang wikang sinasambit sa Pilipinas ay napakahalaga at malaki ang naging gampanin sa pagkakaroon ng kalayaan noong 1896. Kaya bawat taon tuwing buwan ng Agosto, nagkakaroon tayo ng isang buong buwan upang ipagdiwang at pahalagahan ang ating pambansang wika. Naging paraan din ito upang pangaralan ang naging daan sa pagpapakilala nito at dating pangulo na si Manuel L. Quezon na ipinanganak ng buwan na iyon.


Ang bawat sinulid, magkakaiba ng nipis, haba, at kulay. Gayunpaman, hindi sumuko ang manghahabi, bagkus pinagtibay ng panahon, at ipinayabong sa pagyakap sa pagbabago ng mundo. Higit sa lahat, hinabi ng tela ang pagkakaiba-iba, nakabuo ng makulay na pagkakakilanlan, matalinong pakikipagtalastasan, pagkakaunawaan, at paghakbang sa kaunlaran. Nawa, ihabi rin ng tela ang pagkakaisa ng Pilipino upang tuparin ang bayang pinahahalagahan ang kalayaan, katarungan, at mapayabong ang inang bayan. Hindi sana matastas ang hiblang bumubuo sa makulay nating pagkakakilanlan.


Lathalain ni Michael Agang

Disensyo ni Bia Dilig


34 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page