Paghahanda: Ang Mga Hakbang
Taong 2022 nang simulang maaprubahan ang limitadong face-to-face classes ng mga piling eskwelahan sa mga low-risk area. Kaya naman mula Pebrero ay nagsimula na ito sa mga piling lugar na kadalasan ay sa mga probinsya. Matapos ang mga magagandang resulta sa limitadong face-to-face classes, kasunod nito ang diskusyong pagpapalawak nito, kaya naman sa pagpasok ng bagong administrasyon ay kasabay rin ang anunsyong pagbubukas ng mga paaralan para sa mga mag-aaral ng buong bansa sa bagong taong akademiko, kaya naman tanong ng mga QCians, “Handa na ba ang QCU para sa amin?”.
Nakaraang taong akademiko 2021-2022 nang magsimulang palawigin ng unibersidad ang pagbibigay ng bakuna para sa mga mag-aaral, personnel at maging residente ng QC, kung saan ang booster shot na kasunod nito ay hindi pumapalyang binibigyan ng panahon. July 8, 2022 ay ang araw ng vaccination rollout na extended para sa mga hindi pa nabibigyan ng panibagong booster shot, humigit kumulang 300 rehistradong indibidwal para sa vaccination shots ang matagumpay na naturukan sa araw na iyon.
Bago tuluyang magsimula ang panibagong taon ng akademiko ay nagkaroon ng online townhall meeting kung saan ay ipinahayag ng University President na si Dr. Teresita V. Atienza na ang panibagong set-up ng QCU para ngayong taong akademiko ay Hybrid Learning, kasunod nito ay ang diskusyon patungkol sa tuition at iba pang mahahalagang bagay. July 28, 2022 nang mag baba ng Notice of Medical Requirements ang QCU para sa lahat ng mag-aaral nito mula freshman, at ito ay inaasahan nilang matanggap lahat hanggang August 3 at na-extend hangang ika-5 ng Agosto.
Pagbubukas ng Pinto: Ang Muling Pagbabalik
August 15, 2022 — kasalukuyang araw ay nagsimula nang buksan ng QCU ang kanilang pintuan sa mga piling mag-aaral para sa limitadong face-to-face classes, ilang building din ng unibersidad ang nilinis, inayos at hinanda para sa mga guro at mag-aaral nito. Nagsimula ng alas otso ng umaga ang flag ceremony ng unibesidad, kasabay rito ang mga iilang importanteng anunsyo. Nang matapos na iyon ay agarang pinapunta ang mga mag-aaral sa kani-kanilang nakatalagang silid, maitatalang hangang anim o pitong classrooms ang binubuksan sa bawat building na gagamitin, kung saan ang bawat pinto ng silid aralan ay naka-marka ang room number, upag madali lamang itong makita ng mga estudyante.
Hindi hihigit sa 40 ang laman ng bawat silid aralan, kabilang na rito ang mga Instructor. Mahigpit ding ipinatutupad ang laging pagsusuot ng face mask, social distancing, at ipinagbabawal ang pagtambay sa mga lugar na hindi pinapagamit. Mahigpit rin ang pagtatalaga ng magbabantay sa bawat gate para sa seguridad ng mga mag-aaral, ang sanitizer alcohol, at temperature scanner ay makikita sa bawat gate upang masiguro na rin na walang masama ang pakiramdam na pumapasok sa eskuwelahan.
Ang bawat silid aralan na ginagamit ay malaki na para sa hindi sosobrang 40 na tao, hindi kulang ang upuan at madalas dito ay gumagana ang lahat ng ilaw at electric fan ng silid. Sa oras naman ng uwian, mahigpit na pinapauwi agad ang mga estudyante at hindi pinapayagang tumambay pa sa loob ng unibersidad.
Simula pa lamang yan ng kahandaan ng unibersidad para sa muling balik-eskuwela ng mga mag-aaral. Sa ngayon ay hindi pa nabababaan ng kumpletong schedule ang mga iilang estudyante, ngunit ito ay napag-usapan at napagplanuhan na rin ng QCU para sa bagong sistema ng akademiko sa taon na ito. Ang pagbabalik classroom sa QCU ay tunay talagang nakapagbigay ng kagalakan sa mga mag-aaral nito, at nagbalik gana na matuto. Kaya naman ang unibersidad ay lubos na naghahanda upang makapaghatid ng hindi lamang solidong pagkatuto, kung hindi ay pagkatutong walang banta ng sakit at sigurado.
Commentaires